Ito ang magkatuwang na sinabi nina P/Chief Insp. Christopher Abrahano, provincial director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Pangasinan, P/Sr. Supt. Mario Sandiego at Atty. Ferrer, provincial prosecutor makaraang imbitahan ng provincial board noong Biyernes.
Sa isang oras na pagtatanong sa tatlo, isiniwalat nila na ang shabu ay lihim na inilalagay sa mga baby diaper, sapatos, malalaking kahon na may ibat ibang uri ng laman.
Kabilang din sa bagong estilo ng sindikato ay ang paglalagay ng shabu sa lata ng gatas o kaya naman ay sa botelya ng medisina bago ibiyahe ng pampasaherong dyip patungong Maynila.
Ayon pa sa ulat, madaling maipuslit ang droga sa mga pampasaherong dyip kaysa sa mga pribadong sasakyan para makaiwas sa matinding rekisa ng pulisya sa mga itinayong checkpoint.
Madali ring maibenta ang droga sa mga commercial area partikular na sa mga hotel sa nasabing rehiyon dahil ito ang paboritong tagpuan ng mga tulak at bumibili ng bawal na droga.
Isa sa bagong modus operandi ng sindikato ng droga ay ang pagpapadala ng shabu na inilalagay sa pakete sa bus company.
Kukunin naman ng kliyente ang ipinadalang droga sa bus terminal nang walang sagabal at kapag siguradong tunay ang shabu ay ilalagay naman ang malaking halaga sa bank account, ayon pa kay Abrahano.
"Kung ang mga imported na sigarilyo ay madaling nakapupuslit sa baybaying-dagat ng Burgos at Dasol sa Pangasinan, may posibilidad na maipuslit ang bultong droga," dagdag pa ni Abrahano.(Ulat ni Eva Visperas)