Mag-Amang Magsasaka Itinumba

BUTUAN CITY – Hindi akalain ng isang magsasaka na huling pagkakataong kasama niya ang anak matapos na ratratin hanggang sa mapatay ng dalawang lalaki ang mag-ama habang naglalakad papauwi sa Barangay Aurora, Prosperidad, Agusan del Sur kamakalawa ng gabi.

Kinilalala ng pulis-Caraga ang mag-ama na sina Gonzalo Burheto Peligro, 50 at anak na si Marlito, 14 na kapwa residente ng Purok 2 ng nabanggit na barangay.

Hindi naman ginalaw ng mga killer ang isa pang anak na walong taong gulang na si Rene at iniwan habang iniiyakan ang kanyang ama’t kapatid na duguang nakabulagta.

Samantala, ang dalawang killer na positibong nakilala ng ilang saksi ay sina Reden Encallado Tanedo at Richard Ribucas na ngayon ay tinutugis ng pulisya.

Hindi naman agad nabatid ng pulisya ang motibo ng krimen.

Ang pagkakapatay sa mag-amang magsasaka ay ika-7 sa loob lamang ng isang buwan makaraang mapatay din ang tatlo pang magsasaka sa Surigao del Sur. (Ulat ni Ben Serrano)

Show comments