8 grabe sa granada na initsa ng MILF

CAMP CRAME – Walo-katao kabilang na ang apat na menor-de-edad ang nasa kritikal na kondisyon makaraang sumabog ang inihagis na granada ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang ang mga biktima ay nanonood ng TV sa bahay ng negosyante sa Purok Cebuana, Barangay Poblacion, Malungon, Saranggani.

Kasalukuyang inoobserbahan sa General Santos City Hospital ang mga biktimang sina Roque Tao, 7; Rolando Daculan, 11; Melanie Daculan, 20; Rosana Daculan, 18; Loreto Lopeza, 45; Cindy Mae Magno, 7; Ernalyn Tao, 12, at Emma Tao, 50, na pawang naninirahan sa naturang lugar.

Bago pa naganap ang pangyayari ay may namataang mga hindi kilalang kalalakihan na umaaligid sa bahay ng negosyanteng si Ricardo Tao.

Ayon sa mga kalapit na kapitbahay ng mga biktima, biglang umalingawngaw ang malakas na pagsabog na pumukaw sa katahimikan ng dilim.

Agad namang sumaklolo ang mga kapitbahay para dalhin sa ospital ang mga biktimang malubhang nasugatan.

Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong karibal sa negosyo ang may pakana ng pangyayari.(Ulat ni Joy Cantos)

Show comments