Ang pagkakadiskubre ng masamang balak ng mga rebelde ay matapos na bumagsak sa bitag ng militar ang mag-asawang kasapi ng New Peoples Army (NPA) matapos na salakayin ang kanilang bahay sa Barangay Baloy ng bayang ito kamakalawa ng umaga.
Isinasailalim sa tactical interrogation sina Benigno, Dichoso, 47, alyas Ka Sally, Bernard, Benny, at Puti; asawang si Ofelia Saclamitao Dichoso, alyas Ka Upeng matapos na malambat sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Executive Judge Blas Causapin ng Guimba, Nueva Ecija Regional Trial Court Branch 32.
Nakumpiska ng mga tauhan ng 71st Infantry Battalion ng Phil. Army at ni P/Sr. Insp. Orlando Domingo mula sa bahay ng mag-asawa ang kalibre .38, mga bala ng baril, handheld radio, jungle knife, pistol holster, at mga subersibong dokumento.
Nasamsam din sa mag-asawa ang plano ng mga rebelde na salakayin ang ilang himpilan ng pulisya at kampo ng militar sa Central Luzon.
Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na si Benigno ay may mga nakabinbing ibat ibang kaso at responsable sa panununog ng Baliwag Transit bus sa Barangay San Antonio, Cuyapo, Nueva Ecija noong Hulyo 1, 2003.
Inaalam din ng mga awtoridad kung sangkot din ang mag-asawa sa pamamaslang sa alkalde ng Tayug, Pangasinan dahil ang modus operandi ng grupo ni Ka Sally at Upeng ay nasasakupan ng Tayug, Umiray, San Quintin at San Nicolas. (Ulat nina Christian Ryan Sta. Ana)