Kabilang sa nadakip ay nakilalang sina Leandro Go Yum, 50; Wen Li Chen, 27; Wilson Li, 26; Daniel Co, 28, na pawang nagmula sa Fookien, China; samantala ang dalawang katulong na Pinoy ay sina Arnel Villaber, 22; at Michael Sandog.
Nabatid pa sa ulat na dalawa pang Tsino at isang katulong na Pinoy ang nakatiyempong tumakas sa likurang bahagi ng inuupahang bungalow matapos na matunugang dinakip ng mga awtoridad ang kanilang kasamahang nagkakarga ng mga kemikal sa nakaparadang van (XJN-468) noong Biyernes ng hapon.
Matapos na makapasok ang mga awtoridad sa shabu lab ay may tumawag sa telepono na hindi nagpakilala at nag-alok ng P10 milyon para lamang palayain ang isa mga Tsino pero tinanggihan ang kahilingan.
Nadiskubre ang 30 dram na kemikal na sangkap sa paggawa ng shabu at ibat ibang uri ng gamit.
May palatandaan din na nagtataglay ng epedrine ang mga nakumpiskang botelya na pangunahing sangkap ng shabu.
Nag-ugat ang pagkakadiskubre sa shabu lab makaraang marinig ng mga residente na may sumabog mula sa nasabing lugar kaya agad nilang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Dito na naghinala at tinungo ng mga tauhan ni P/Sr. Supt. Roberto Rosales at P/Supt. Rodrigo Gongon ang nasabing bungalow pero hindi sila pinapasok sa loob ng 530 metro kuwadradong compound.
Agad namang nagpalabas ng search warrant si Cavite Judge Maria Victoria Cupin Tesorero kaya naisagawa ang pagsalakay.
Ikinatwiran naman ng mga Tsinong nadakip na gumagawa lamang sila ng mga pekeng shampoo pero unti-unting ililipat ang shabu lab sa Parañaque o kaya sa Las Piñas base na rin sa pahayag ng mga suspek. (Ulat nina Rene Alviar,Jaime Laude at Angie dela Cruz)