Garcia, Osmeña clan kay GMA pa rin

Siniguro ng dalawang malalaking angkan sa lalawigan ng Cebu na susuportahan nila si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa sandaling magdesisyon itong tumakbo sa 2004 elections.

Sinabi ni GSIS president and general manager Winston Garcia, ang angkan ng Garcia ay nakahandang sumuporta kay GMA kapag nagdesisyon itong lumahok sa 2004 presidential race.

Ayon kay Garcia, ang kanyang ama na si Cebu Gov. Pablo Garcia at ang dating Cebu City Mayor Alvin Garcia ay nakahandang itaguyod ang kandidatura ni GMA kapag lumahok ito sa presidential race.

Winika naman ni dating Cebu Governor Lito Osmeña na nakahanda rin niyang suportahan si GMA kapag tumakbo ito kahit kontrahin pa siya nina Senators John Osmeña at Serge Osmeña.

Nilinaw din nito ang ibinigay niyang suporta kay dating Education Secretary Raul Roco ay conditional lamang at hindi pinal dahil kung planuhin ni GMA na tumakbo ay ito ang kanyang susuportahan.

Winika pa ni Osmeña, nakahanda rin siyang kumbisihin si Roco na maging runningmate na lamang ni GMA kaysa ipagpatuloy pa nito ang pagtakbo bilang pangulo.

Iginiit pa ng dating gobernador na kahit tutol sina Sen. John Osmeña at Sen. Serge Osmeña ay susuportahan pa rin niya si GMA. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments