Taiwanese drug lord timbog

Nagwakas ang labing-apat na taong pagtatago ng isang wanted na Taiwanese drug lord na nakumpiskahan ng 58 kilong shabu noong 1989 makaraang malambat ng mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng restaurant sa Subic noong Hulyo 4, 2003.

Hindi na nakapalag si Frank Chua na gumagamit ng alyas na Tsai Jung-Shui at Tsai Fan-Yin at kasalukuyang presidente ng Zone Swan Int’l, Inc. sa Subic Bay Freeport, Olongapo City.

Base sa record ng NBI, si Chua, kasama sina James Feng, Tu Chun Wung at Ai Wu Sun ay nadakip dahil sa 58 kilong shabu noong Agosto 10, 1989 sa Barangay Tamurong Primero, Candon, Ilocos Sur at nahatulan ng habambuhay ni Judge Gabino Balbin Jr. ng Candon Regional Trial Court Branch 23.

Noong Marso 12, 1990 ay nagawang pumuga ni Chua sa Vigan police detention cell kaya simula noon ay naging wanted.

Tinangkang suhulan ng P5-milyon ni Chua ang mga tauhan ng NBI para patakasin siya pero nabigo ang nasabing drug lord. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments