Dalawa sa tatlong nasawing biktima ay sina Bai Masla, 11, at Nieves Peralta, 40, kapwa residente ng Barangay General Paulino Santos.
Isinugod naman sa South Cotabato Provincial Hospital ang malubhang nasugatang sina Virginia Panisa, Evangelito Mopon, Aida Gerson, Narciso Nandang, Adora Peralta, Nonen Jover, Eunesa Narvasa, Anita Jamindang, Nelly Aniversario at Marilyn Pohol.
Nasa Doctors Clinic Hospital naman sina Nanding Araquil, Nancy Arbolonio, Pedro Seguno, Margarita Lazaro, Remedios Fernando, Adelina Paraiso, Ding Butod at Dodong Datocan.
Naitala ang madugong pagsabog bandang alas-2:45 ng hapon sa harap mismo ng video game stall sa pampublikong palengke ng Koronadal City.
Kasalukuyang pinagtutulungang siyasatin ng militar at pulisya kung anong uri ng bomba ang itinanim at hindi inaalis ang posibleng nasa likod nito ay mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil kilalang balwarte nila ang Central Mindanao.
Sinabi ni P/Chief Supt. Romeo Rufino, provincial police director na itinaon ng mga terorista ang pagpapasabog sa taunang selebrasyon ng Koronadal City kahapon.
Magugunita na ang unang pagpapasabog ay naganap noong Pebrero 21, 2003 at ang ikalawa ay noong Mayo 10, 2003 ng hapon na ikinasawi ng sampung sibilyan at 52 naman ang nasugatan kabilang na ang labing-isang kritikal dahil sa tama ng shrapnel.
Ang bomba ay inilagay sa nakaparadang traysikel sa harap ng tindahan ng G-Meg Agricultural Supply sa Alunan Avenue at ang itaas ay opisina ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kinondena ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ginawang karahasan ng mga terorista at ipinag-utos na magsagawa ng malawakang pagtugis sa sinumang nasa likod nito.
Samantala, tumibay naman ang hinala ng militar na may kinalaman ang MILF sa serye ng pagpapasabog sa Mindanao matapos na makakumpiska ng bultu-bultong eksplosibo sa kuta ng mga rebelde sa isinagawang serye ng operasyon sa Kabuntalan, Maguindanao. (Ulat nina Boyet Jubelag,Joy Cantos at Ely Saludar)