Ang biktimang hindi na nakauwi pa ng kanilang bahay ay nakilalang si Yveth Pontanilla, 1st year high school sa eksklusibong eskuwelahan at residente ng Golden Ville Subdivision, Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan.
Samantala, ang suspek na pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan ay tinutugis ng pulisya sa hindi binanggit na lugar.
Sa ulat na isinumite kay Police Superintendent George Torcuator, police chief ng bayang ito, huling nakitang buhay ang biktima pasado alas-5 ng hapon matapos na lumabas ng eskuwelahan.
Ilan sa nakakita sa biktima na naghihintay ng traysikel kasama ang isang kaklaseng babae sa harap mismo ng kanilang eskuwelahan hanggang sa lumipas ang labing-anim na oras na paghahanap ng mga magulang.
Nadiskubre ang bangkay bandang alas-9 ng umaga sa loob ng sementeryo may 600 metro lamang ang layo mula sa pinapasukang eskuwelahan ng biktima.
May teorya ang pulisya na nanlaban ang biktima dahil sa tangkang gawan ng maitim na balak kaya sinaksak ng screwdriver sa ibat ibang bahagi ng katawan bago iniwan.
Isinailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima kung positibong hinalay bago pinatay. (Ulat ni Efren Alcantara)