Kinilala ang mga suspek na sina Baby Layd, 19; Larry Tanday, 21; Amir Ampaso, 39; Amri Ampaso at isang tinukoy sa alyas na Kasmura na nakumpiskahan ng 554 gramo ng shabu.
Samantala, sina Merriam Ceballos-Pelaez, Nestor Porras, Al Borromeo, Darwin Cariño, Reyner Guimban, Bobing Bitamoro mag-asawang sina Neneng at Zaldy Ceballos ay nasakote sa Tacurong City Sultan Kudarat.
Sa ulat na isinumite kay P/Deputy Director Anselmo Avenido Jr., executive director ng PDEA, unang nabitag sa buy-bust sina Layd at Tanday sa South Road, Poblacion Uno, Sagay City Negros Occidental bago nakumpiskahan ng 500 gramo ng shabu.
Sumunod na nasakote si Amir na may 20 gramo ng shabu at sina Amri at Kasmura naman ay nasakote sa loob ng tindahan sa pampublikong palengke sa Sagay City na nagbebenta ng shabu.
Kasunod nito, dinakip naman ng pulisya sina Pelaez at Porras kasama ang anim pa makaraang maaktuhan sa shabu session at nakumpiskahan ng pekeng P20,000 na tig-P1,000 at P500.
Napag-alaman kay P/Chief Insp. Raul Supiter, police chief ng Tacurong City, si Pelaez ay Inhenyero sa Department of Public Works and Highways (DPWH), samantala, si Porras ay guro sa public school sa naturang lungsod.
Narekober sa mga suspek ang isang desktop computer, 9mm Ingram machine pistol at mga pekeng pera. (Ulat nina Joy Cantos at John Unson)