Idineklarang patay sa ospital si Payao Mayor Moises Araham at dalawa nitong alalay na hindi nabatid ang pangalan, samantala, sugatan din ang isang kasapi ng Civilian Armed Forced Geographical Unit (CAFGU).
Sa natanggap na ulat ni Police Chief Superintendent Reynaldo Varilla, Police Regional Office 9 (PRO) director, sakay ng bangkang-de-motor at nagpapatrolya si Mayor Araham kasama ang mga alalay sa karagatan na kanyang sakop dahil sa impormasyong nakalap na naglipana ang mga pirata sa karagatan.
Namataan ng grupo ni Mayor Araham ang dalawang bangkang-de-motor na may lulang mga armadong kalalakihan kaya nilapitan nila para arestuhin pero sinalubong sila ng sunod-sunod na putok hanggang sa magpalitan ng putok ang magkabilang panig.
Dito agad napuruhan si Mayor Araham at dalawang alalay pero napalubog ang isa sa dalawang bangka ng mga pirata.
Hindi naman nabatid kung may nasawi sa panig ng mga pirata dahil nagsitakas makaraang mamataang napalubog ng mga alalay ni Mayor Araham ang isa sa dalawang bangka.
Dinispatsa ng tropa ng militar ang kanilang helicopter gunship para tugisin ang mga nagsitakas na mga pirata na naghahasik ng kaguluhan sa bayan ng Payao.(Ulat nina Roel Pareño at Joy Cantos)