Dahil sa pinaigting na kampanya laban sa droga ay nagsumite ng sampung pahinang ulat ang kapulisan ng Caraga Region sa Camp Crame simula pa noong Enero hanggang Mayo, 2003.
Ang ulat ay nilakdaan ng dalawang mataas na opisyal ng Caraga police na sina P/ Chief Supt. Alberto Rama Olario, at P/Senior Supt. Reinerio Cuartocruz Camins.
Sa 122 barangay sa Caraga Region, nangunguna ang Butuan City na may 42 barangay na pinaniniwalaang napasok na ng sindikato ng droga,
Samantala,ang Surigao City naman ang pumangalawa na may 30 barangay na apektado ng ipinagbabawal na droga.
Ang dalawang munisipalidad ng Baguyan sa Agusan del Sur at Cabadbaran sa Agusan del Norte ang pinaka-apektado ng droga, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) sa nasabing rehiyon.
Napag-alaman na karamihang naaresto dahil sa droga ay wala sa watch list ng pulisya kaya kinokonsidera na mga bagong nagnenegosyo ng droga sa Caraga Region.
Gayunpaman, sa kasalukuyan ay walang naiuulat na nadiskubreng laboratoryo ng shabu pero nakalagay sa intelligence report na may mga plantasyon ng marijuana sa malalayong barangay ng Surigao del Sur, Agusan del Sur at sa kabundukan ng Mahayahay sa Butuan City.
Inamin ni P/Senior Supt. Reinerio Camins na walang drug rehabilitation center sa Caraga Region na kinakailangang paglagyan ng 682-katao na pinaniniwalaang lulong sa droga. (Ulat ni Ben Serrano)