Lima sa mga suspek na pawang Indonesian national ay nakilalang sina Mark Panggilawan, alyas Macmac, 18; Yustinos Barahama, alyas Popong, 18; Sarlito Panggilawan, 19; Alan Panggilawan; Charlito Panggilawan at ang Pinoy na si Jun Parida.
Base sa ulat ng militar na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, unang nadakip sina Mark, Yustinos, Sarlito at Alan sa Bulaong Bus Terminal sa nasabing lungsod makaraang makumpiskahan ng improvised explosive device na may pagkakahawig sa warhead ng anti-personnel rocket propelled landmine.
Sumunod na nalambat si Charlito sa kanyang pinagkukutaan sa Sitio Balonto, Barangay Lapangan sa nabanggit na lungsod at dalawang oras ang nakalipas ay nadakip naman si Parida na pinaniniwalaang recruiter ng mga dayuhang terorista.
Ang pagkakadakip sa mga miyembro Jemaah Islamiyah sa ilalim ng Al-Qaeda ni Osama bin Laden ay bunsod ng masusing pagmamanman laban sa mga grupo na nakabase sa Mindanao.
Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang mga nadakip na terorista sa himpilang Task Force GenSan habang dinala naman ang bomba na narekober sa PNP Region 12.(Ulat ni Joy Cantos)