Iprinisinta sa mga mamamahayag kahapon ni NBI Director Reynaldo Wycoco ang mga suspek na sina Mark Leo Molina, 21, binata ng LRT site, Barangay J. de Jesus, GMA; Michael Molina at Sherwin Kenneth Dimasalang na kapwa tubong Cavite.
Samantala, tinutugis naman ang isa pang suspek na si Jojo Dimasalang na sangkot din sa brutal na krimen na isinagawa noong Hunyo 1, 2003 sa bahay ng mag-inang sina Annabelle Quilaton Zuñiga, 23 at anak na si Franchez Erika, tatlong taong gulang ng General Mariano Alvarez, Cavite.
Ang mga suspek ay mga kasapi ng Tau Gama Phi Fraternity at notoryus na adik sa droga sa kanilang lugar, ayon sa NBI.
Nakumpiska sa tatlong suspek ang ilang pakete ng shabu at cellular phone na pag-aari ng biktima matapos na salakayin ang tatlong bahay na kanilang pinagkukutaan.
Base sa record, nadiskubre ang bangkay ng mag-ina noong Hunyo 1, 2003 sa loob ng kanilang bahay.
Si Annabelle ay walang saplot sa kalahating bahagi ng katawan na pinaniniwalaang hinalay at itinali ang kamay at paa saka binusalan ng kumot, samantala, ang bata ay binalot ng kumot saka binigti.
Positibo namang kinilala ng saksi si Mark Molino na isa sa mga killer makaraang tumalon mula sa pader ng bahay ng mag-ina matapos isagawa ang brutal na krimen.(Ulat ni Danilo Garcia)