5 dedo sa engkuwentro

CAMP AGUINALDO – Lima-katao kabilang na ang tatlong kawal ng Philippine Army ang iniulat na napatay sa maganap sa magkahiwalay na engkuwentro sa Basilan at Lanao del Norte kamakalawa.

Dalawa sa limang napatay ay nakilalang sina Abdulhalik Mujala, kasapi ng CAFGU at si Nasid Malangkit, miyembro ng bandidong Abu Sayyaf, samantala, hindi naman ibinunyag ang mga pangalan ng tatlong kawal mula sa 9th Infantry Battalion.

Base sa ulat, unang naganap ang karahasan sa Barangay Upper Benembengan, Sumisip, Basilan makaraang makasagupa ng tropa ng militar at kasapi ng CAFGU ang mga bandidong Abu Sayyaf.

Napuruhan agad sina Mujala at Malangkit sa unang bugso ng putukan na tumagal ng 30 minuto bago pa umatras ang grupo ng Sayyaf sa kagubatan ng nasabing lugar.

Kasunod nito, tatlo naman kawal ng 9th Infantry Battalion ang napatay, samantala, hindi naman nabatid ang bilang ng nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga sundalo patungo sa Barangay Basak, Munai, Lanao del Norte.

Dinala naman ang mga sugatang sundalo sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments