Sa bisa ng warrant of arrest ng Quezon City Regional Trial Court na ipinalabas noong 1996, dahil sa isa pang kasong robbery ay dinakip si 204th Intelligence Officer M/Sgt. Donald Caigas sa loob mismo ng opisina ni Lt. Gen. Gregorio Camiling sa Fort Bonifacio, Makati City.
Bukod sa kasong kinakaharap laban sa dalawang aktibista ay may kaso pa itong robbery pero tumangging magpakita at makipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) para linawin ang mga reklamong inihain laban sa kanya sa bayan ng Gloria, Oriental Mindoro.
Iniuugnay din ng DOJ ang nasabing pangyayari sa iba pang kaguluhan sa naturang lalawigan, partikular na ang kaso sa pagpatay sa dalawang aktibistang sina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy.
Samantala, nakatakdang kasuhan ni DOJ Undersecretary Jose Calida si M/Sgt. Caigas ng kasong direct assault, abuse of authority at physical injuries at ipapatawag din ng DOJ si Col. Jovito Palparan at acting OIC ng 204th Brigade na si Col. Juanito Gomez dahil sa ginawang pagtatago kay Caigas sa kabila ng kasong kinakaharap at posibleng sampahan ng kaukulang kaso. (Ulat nina Danilo Garcia at Grace dela Cruz)