Ang dalawang itinumbang pulis ay nakilalang sina SPO1 Ramir Secovia Silva at SPO1 Lorenzo Calimbo na kapwa miyembro ng Villaba, Leyte police station.
Sa panayam kay P/Chief Supt. Dionisio Coloma, Jr., Eastern Visayas PNP regional director, si Silva ay binaril nang malapitan habang nakaupo sa loob ng sabungan.
Sinundan naman ni Calimbo na binaril din ng mga rebelde sa sabungan.
Agad namang nagsitakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng Palompom matapos isagawa ang pamamaslang sa dalawang pulis.
Samantala, hindi naman kinumpirma na may napaulat na nawawalang dalawang pulis-Villaba kaya pinagagawa ng ulat ang hepe ng pulisya sa bayang ito para isumite sa PNP regional office.
Inatasan naman ni Coloma si P/Sr. Supt. Teodorido Lapuz na masusing imbestigahan kung sangkot ang dalawang napatay na pulis sa anumang katiwalian na nag-udyok sa mga rebelde na isagawa ang pamamaslang.
Noong nakalipas na linggo, isa pang pulis na nakatalaga sa San Isidro, Leyte police station ang iniulat na nawawala, ayon kay P/Sr. Supt. Claro Francisco, PNP deputy regional director for operations. (Ulat ni Miriam G. Desacada)