Ayon sa ulat, ang narekober na mga bangkay ay kinabibilangan ng apat na babae at isang bata.
Nabatid na unang natagpuan ang bangkay ng dalawang babae matapos itong malambat ng mga mangingisda sa baybaying dagat ng Brgy. Muzon 1, Rosario, Cavite dakong alas-7 ng umaga.
Sumunod namang natagpuan bandang alas-10 ng umaga ang isa pang bangkay ng babae sa baybaying dagat sa bayan naman ng Tanza.
Habang ang isa pang biktima na isang dalagita na tinatayang nasa pagitan ng 10-15 anyos ay nakita naman sa Brgy. Caliluyo, Tanza, bandang alas-11 ng umaga.
Sinabi ng mga opisyal ng Phil. Coast Guard (PCG) na ang mga natagpuang bangkay ay positibong mga pasahero ng M/V San Nicolas na lumubog matapos na makabanggaan ang Super Ferry 12 sa may Corregidor Island nitong nakalipas na Mayo 18.
Magugunita na mahigit na sa 30 katao ang nasawi habang 203 naman ang nasagip na pawang pasahero ng M/V San Nicolas sa naganap na trahedya ng pagbabanggaan ng dalawang barkong nagsiksikan sa ruta ng karagatan. (Ulat ni Cristina G. Timbang)