Itoy sa kabila ng pagdedeklara ng liderato ng MILF na 10-araw na unilateral ceasefire sa Hunyo 2 hanggang 12 ng taong ito upang mabigyang daan ang kapayapaan na isinusulong ng mga peace advocates sa rehiyon ng Mindanao.
Kabilang sa mga may patong sa ulong P5 milyon ay pinangungunahan ng kanilang chieftain na si Hashim Salamat, Ghadzali Jaafar, vice chairman for political affairs; Al Hadz Murad, vice chairman for political affairs; spokesman na si Eid Kabalu at Abdulazziz Aleem Mimbantas, vice chairman for internal affairs.
Binigyang diin ni PNP Spokesman P/Sr. Supt. Leopoldo Bataoil na hindi maaaring mahadlangan ng nabanggit na hakbangin ng MILF dahil tungkulin ng pulisya na maisilbi ang warrant of arrest na ipinalabas ng hukuman laban sa 5 MILF lider.
Sa panig ng AFP, sinabi naman ni Vice Chief of Staff at Spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia na paiiralin nila ang batas laban sa mga rebelde katulong ang puwersa ng PNP dahil hindi nila maaaring pahintulutan na magpatuloy ang terorismo na kinasasangkutan ng ilang mga field commander ng MILF.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang "punitive operations" na inilunsad ng militar laban sa MILF sa ilang mga piling lugar sa Central Mindanao, Lanao del Norte at Zamboanga del Norte.
Muli namang iginiit ni Defense Secretary Angelo Reyes na kung nais patunayan ng liderato ng MILF ang kanilang sinseridad hinggil sa peace talks ay dapat ideklarang permanente ang ceasefire sa halip na 10-araw lamang upang masubukan ang kanilang katapatan. (Ulat ni Joy Cantos)