Karambola ng 3 sasakyan: 2 dedo, 4 grabe

GAPAN CITY, Nueva Ecija – Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi, samantala, apat naman ang malubhang nasugatan makaraang magkarambola ang tatlong sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Pambuan ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay sa Gapan District Hospital sina Noel Maranan, 31, residente ng Barangay Mangino at si Federico Lim, 33 ng Block 1 Lot 2 Roseville Subdivision, Caloocan City.

Samantala, kritikal naman sina Jayson Dimalanta, 15; Arlene Manahan, 8 na kapwa residente ng Barangay Bulualto, San Miguel, Bulacan; Celerino Legazpi at Baltazar Ravela na kapwa naninirahan sa Barangay Mangino.

Base sa isinumiting ulat kay P/Supt. Benjamin dela Cruz, police chief sa lungsod na ito, naitala ang aksidente bandang alas-6:30 ng gabi.

Nagdesisyong lampasan ng pampasaherong jeep (CMP-530) na minamaneho ni Maranan ang traysikel (RP-6518) pero hindi nakita ang paparating na trak (UPU-4910) na minamaneho naman ni Arnold Quijano.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, hindi agad nakabig ni Maranan ang manibela ng kanyang jeep kaya sinalpok ang traysikel na nagresulta para tumaob ito. Bumangga naman ang jeep sa unahan ng trak na ikinasawi ng dalawa. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments