Ang insidente ay naganap sa gitna na rin ng pahayag ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane na bumaba ng malaking porsiyento ang mga kaso ng KFR case sa bansa.
Kinilala ang biktima na si Danny Tiu, 44-anyos, may-ari ng Digley Shoe Factory at residente ng Ilang-Ilang St., La Unica Hija, Brgy. Mayamot ng lungsod na ito.
Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-4:45 ng hapon nang bigla na lamang pumarada sa harapan ng bahay ng biktima ang mga suspek at magtanong sa caretaker na si Leo Tuanti, 44, kung nasa bahay ang kanyang amo.
Agad umanong tinutukan ng mga suspek ang katiwala ng negosyante at tuluy-tuloy na pumasok sa magarbo nitong tahanan saka kinaladkad ang biktima.
Nabatid na itinali pa ng mga kidnaper ang mga kasambahay ni Tiu na sina Sersec Samson, 38, at Tuanti kung saan naghalughog pa ang mga ito sa tahanan ng biktima at tinangay ang ilang mapapakinabangang bagay.
Ilang saglit pa ay umalis na ang mga suspek at tinangay si Tiu pati na ang kotse nitong Toyota RAV, may plakang WTP-204 saka mabilis na tumakas patungo sa direksiyon ng San Mateo, Rizal.
Natangay ng mga suspek sa tahanan ng biktima ang P40,000 cash na pansuweldo nito sa mga trabahador.
Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang kaso upang maaresto ang mga suspek at mailigtas ng buhay ang biktima. (Ulat ni Edwin Balasa)