2 MILF patay sa encounter

Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasawi sa panibagong sagupaan ng tropa ng pamahalaan at ng separatistang grupo kamakalawa ng hatinggabi sa Midsayap, North Cotabato.

Sa ulat na tinanggap kahapon ni Army Chief Lt. Gen. Gregorio Camiling Jr., kasalukuyang nagsasagawa ng security patrol ang mga elemento ng 38th Infantry Battalion (IB), dakong alas-12:00 ng hatinggabi ng makasagupa ang grupo ng mga rebeldeng MILF sa Brgy. Layog, Midsayap ng nasabing lalawigan.

Nagkaroon ng 45 minutong bakbakan na ikinasawi ng dalawang hindi pa nakilalang miyembro ng MILF habang wala namang naitalang nasawi at nasugatan sa panig ng mga sundalo.

Nasamsam sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang rifle propelled grenade, isang garand rifle, 96 rounds ng bala para sa M60 at 22 rounds naman ng bala para sa M14 rifle. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments