Granada sumabog: Magsasaka lasog

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Isang 48-anyos na magsasaka ang nalasog ang katawan makaraang sumabog ang hawak na granada habang tumatakbo sa loob ng Blessed Ville Subdivision, Barangay Sampalok Dos, Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng gabi.

Gutay-gutay ang katawan ni Jimmy Badillo makaraang sumambulat ang granada bandang alas-9 ng gabi at nadiskubre pa ang isa sa hindi kalayuan sa bangkay ng biktima na pinalalagay na tumilapon bago pa maganap ang pangyayari.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Erick Ofren, bago pa maganap ang pangyayari ay binaril ni Badillo sina Felix Flores at kasamang si Ronnie na naging sanhi upang masugatan ang dalawa.

Mabilis namang tumakas si Badillo at ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay umalingawngaw na ang malakas na pagsabog na ikinasawi ng biktima. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments