3-katao itinumba

Tatlo-katao kabilang ang dalawang pulis ang iniulat na pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang armadong lalaki sa magkahiwalay na lugar sa Pampanga at Lucena City kamakalawa.

Sa naantalang ulat ay nakilala ang mga biktimang sina PO3 Ferdinand Tabong, 37 at residente ng Sto. Domingo Village, San Jose Matulid, Mexico, Pampanga; Eligio Cruz, 61, dating pulis-Lubao ng Barangay Sta. Teresita Dos, Lubao, Pampanga at Danilo Mendoza, 36, isang obrero, may-asawa, residente ng Urban Poor Capistrano Subdivision, Barangay Gulang-Gulang, Lucena City, Quezon.

Si Tabong na nakatalaga sa City of San Fernando Police Station ay itinumba habang naliligo sa sariling bahay bandang alas-7:30 noong Sabado ng gabi.

Samantala, pinagbabaril naman hanggang sa mapatay si Cruz ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang bikitma ay naglalakad sa Purok Tres, Barangay Sta. Teresita Dos, Lubao, Pampanga.

Base sa ulat, sinundan ng mga rebelde ang biktima bandang alas-7:15 ng umaga saka isinagawa ang krimen at palakad na lumisan ang mga killer na animo’y walang alam sa pangyayari.

Kasunod nito, itinumba naman si Mendoza na obrero ng bayarang mamatay-tao habang ang biktima ay naglalakad papauwi sa panulukan ng makipot na eskinitang sakop ng St. John at Saint Michael Subdivision sa Barangay Gulang-Gulang sa Lucena City.

Nakilala naman ang suspek na si Rael Pungay Gagwis, 46 na tumakas matapos ang pangyayari dakong alas-8 ng gabi, ayon sa ulat nina SPO4 Marcelino Uy at PO2 Norman Dequito. (Ulat nina Ric Sapnu, Joy Cantos at Tony Sandoval)

Show comments