6 todas, 24 sugatan sa aksidente

Anim-katao ang kumpirmadong nasawi, samantala, dalawampu’t apat naman ang nasugatan sa naganap na aksidente sa tatlong lalawigan kamakalawa.

Kabilang sa nasawi ay nakilalang sina Berta Socte, Brenda Caluminga, Victor Macabio, Sherly de la Peña, Rey dela Rosa at Olivia Llena.

Nilalapatan naman ng lunas sa ospital sina Locloc Banita, Martin Asuncion, Liberato Asuncion, Oliver Asuncion, Santiago Cruz at ang natitirang hindi nabatid ang mga pangalan.

Naitala ang unang aksidente bandang alas-5:30 ng hapon makaraang mawalan ng preno ang pampasaherong jeep (ACG-318) bago nahulog sa banging sakop ng Ablang, Atok, Benguet.

Patay agad sina Socte, Caluminga at Macabio habang sugatan naman si Banita, driver ng jeep.

Kasunod nito, sinalpok naman ng pampasaherong van ang kabahayan sa gilid ng highway na sakop ng Suraila at Banga sa South Cotabato na ikinasawi nina de la Peña at de la Rosa.

Samantala, bandang alas-3:30 ng hapon nang salpukin naman ng kotse (NPX-424) ang kasalubong na traysikel sa kahabaan ng Guimba-Quezon Road sa Barangay San Roque, Guimba, Nueva Ecija.

Si Llena ay hindi na umabot ng buhay sa Guimba District Hospital sa Nueva Ecija habang nasa kritikal na kondisyon sina Martin, Liberato, Oliver at Santiago.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya na ang driver ng kotse na si Cruz ay lango sa alak na naging sanhi para mawalan ng kontrol bago rumampa sa kabilang kalsada at nasalpok ang traysikel. (Ulat nina Christian Ryan Sta. Ana/Joy Cantos)

Show comments