Sinabi ni AFP Southcom Chief Major Gen. Roy Kyamko na nagsimulang atakihin nitong nakalipas na Huwebes ng mga sundalo ang Pilas Island matapos na makatanggap ng report na dito nagtatago sina Janjalani at isa pang ASG Commander na si Isnilon Hapilon; pawang may patong sa ulong tig-P5M bawat isa.
Nabatid na dalawang OV-10 bomber planes ang nagsagawa ng air strike operations sa naturang lugar habang sinusugod naman ng ground troops ng Phil. Army ang nasabing isla kung saan nakasagupa ng mga ito ang tinatayang may 150 armadong mga bandido.
Sinabi ni Kyamko na nakatanggap sila ng intelligence report na nakatakas na sina Janjalani at Hapilon sa Pilas Island na nasa pagitan ng Basilan at Sulu pero ang bagay na ito ay hindi pa nila makumpirma sa kasalukuyan.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni Kyamko ang pagsasagawa ng naval blockades upang harangin ang sinasabing nakatakas na grupo nina Khadaffy at Hapilon sa lahat ng mga landing sites dito.
Pinaniniwalaan namang tumakas ang grupo nina Janjalani dahilan umano sa takot sa pagdaraos sa Sulu ng Balikatan 03-1 RP-US joint military exercises. (Ulat ni Roel Pareño)