MILF umatake: 6 patay, 16 sugatan

ZAMBOANGA – Anim-katao ang iniulat na nasawi kabilang na ang limang kawal ng Phil. Army, samantala, labing-anim naman ang nasugatan makaraang paulanan ng bomba ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang Barangay Kambingi sa Datu Piang, Maguindanao noong Miyerkules.

Sinabi ni Major General Generoso Senga ng 6th Infantry Division, isa sa napatay si Datu Diwata matapos tamaan ng maraming shrapnel mula sa bomba na pinaulan ng mga rebelde.

Apat sa nasugatan ay nakilalang sina Maria Theresa Gomer, 26; Alvin Diwata, 30; Paugia Aba, 40 at Jimbo Lumanda, 38, na inoobserbahan sa pagamutan malapit sa bayan ng Shariff Aguak.

Kinumpirma naman ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan na si Ustadz Amiril Cato Ombra, kumander ng MILF’s 206th Brigade na may operasyon sa ikalawang distrito ng Maguindanao ang nanguna sa pag-atake sa nabanggit na barangay. (Ulat ni John Unson at AFP)

Show comments