Halos nabulabog at nabigla ang lahat ng mga empleyado at opisyal ng BoC nang biglang pasukin ng may 16 na NBI-STF special agents na kapwa armado ng matataas na uri ng baril ang opisina at arestuhin si Atty. Emelito Villaruz, dakong alas-11 ng tanghali.
Sa panayam ng PSN kay Atty. Hernan C. Castro ng NBI-Olongapo City, bago isinagawa ang operasyon, isang German national na nakilalang si Reimer Wermer, 44, ang nagharap ng reklamo laban kay Villaruz dahil sa umanoy malaking halaga ang hinihingi nito sa kanya upang mailabas ang apat na sasakyang BMW na inimport mula sa Germany at nakatago sa bodega ng Naval Supply Depot (NSD) sa Subic Freeport.
Humihingi umano si Villaruz ng P.9-M para mailabas sa Freeport ang inimport na BMW, ngunit malaki umano ang halagang hinihingi nito kayat nagdesisyong magharap ng reklamo sa NBI at isinagawa ang entrapment operation.
Lumabas na positibo sa eksaminasyon ng ultra-violet powder ni NBI-Chemist Edwin Purificando ang kamay ni Villaruz makaraang tanggapin umano ang bribe money na P250,000 mula kay Wermer at isang babaeng NBI agent na nagpanggap na asawa nito.
Mariin namang pinabulaanan ni Villaruz ang naganap na entrapment operation sa kanya at wala anya siyang tinatanggap na ganoong kalaking halaga mula kay Wermer at inireklamo rin ni Villaruz ang naganap na pangha-harass sa kanya ng mga NBI agents. (Ulat ni Jeff Tombado)