Bunga ng napaulat na isang 39-anyos na Taiwanese ang unang biktima ng SARS virus ay isinugod sa Total Life Care (TLC) Medical Center sa Olongapo City noong Abril 25, 2003 matapos na lagnatin at ubuhin.
Dahil sa pangambang nagtataglay ng SARS virus, agad inilipat sa Bataan General Hospital (BGH) ngunit hindi tinanggap ng mga medical staff at walang naglakas ng loob na suriin ito dahil sa sobrang takot na mahawaan sila, ayon kay Dr. Rio Magpantay, Medical Officer 7 ng Department of Health-Regional office 3 sa San Fernando, Pampanga at isa sa mga sumuri sa Taiwanese.
Inirekomenda naman ng DOH-Region 3, ang Taiwanese sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital (JBLMRH) at nagpadala ng ilang quarantine medical officer at ambulansiya sa loob ng Subic Bay Freeport at hindi nagtagal ay inindorso ito na dalhin na lamang sa San Lazaro Hospital at sa Research Institute for Tropical Medical (RITM) sa Alabang.
Lumalabas sa pagsusuri na hindi SARS virus gaya ng unang napaulat ang sakit ng Taiwanese.
Ayon kay SBMA Chairman Felicito Payumo, mahigpit na seguridad ang ipinaiiral ngayon upang hindi makapasok sa Subic Bay Freeport ang mga dayuhang turista na nagtataglay ng SARS virus. Aniya, sumasailalim ngayon sa quarantine test ang lahat ng mga dayuhan na pumapasok sa naturang Freeport. (Ulat ni Jeff Tombado)