Misamis Oriental governor pinasisibak

Hiniling ng mga residente ng Claveria, Misamis Oriental kina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at DILG Secretary Jose Lina Jr. ang agarang pagpapatalsik kay Misamis Oriental Governor Antonio P. Calingin dahil sa mga kinasangkutan nitong mga anomalya.

Isa sa mga nagreklamo ay si Loreto Z. Aquino na umano’y dinaya ni Governor Calingin tungkol sa biniling apat na parsel ng lupain sa Tagoloan, Misamis Oriental na nagkakahalaga ng P20 milyon.

Ayon pa kay Aquino na nagkasundo naman sila ng gobernador noong Pebrero 2001 at nangako namang mababayaran siya sa loob ng 60 araw dahil sa matatanggap na ang P28 milyon loan sa Land Bank (Cagayan de Oro).

Nabatid pa kay Aquino na nahikayat siya ng gobernador na lumagda sa "Deed of Absolute Sale" bilang kolateral para mapabilis ang pagpapalabas ng loan sa naturang bangko.

Hanggang sa hindi sumunod sa kasunduan si Governor Calingin partikular na ang tatlong tumalbog na tseke kaya pormal na nagreklamo si Aquino sa korte.

Show comments