Ayon pa ulat ng militar, pangkaraniwang mga bandido na may modus operanding droga at hindi grupo ng Abu Sayyaf ang dumukot kay Gertrudes Tan at nakapuslit mula sa Lugus Island patungo sa isang Isla sa Sulu.
Sinabi ni Brig. General Romeo Tolentino, Hepe ng Task Force Comet, ang kahilingan ng mga bandido ay nadiskubre ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Siasi Island sa Jolo.
Ipinagbigay-alam naman sa pamilya ni Tan ang kahilingan ng mga kidnaper kapalit ng kalayaan ng trader.
Pero idiniin ni Tolentino na imposibleng makapagbigay ng P5 milyong ransom ang pamilya Tan dahil hindi nila papayagang makapagbigay ang sinumang biktima sa mga kidnaper.
"Nag-ugat ang pagdukot sa Tsinoy trader makaraang hindi makabayad ng malaking halaga ang isa sa mga anak ni Tan sa grupong bandido na may kaugnay sa droga," dagdag ni Tolentino.
Pansamantalang hindi muna ibinunyag ni Tolentino ang pinagkukutaan ng mga kidnaper habang sinusuyod ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang isa sa mga isla sa Jolo. (Ulat ni Roel D. Pareño)