Kinilala ang mga suspek na sina SPO1 Buenaventura Lopes, PO1 Peter Sisteno, PO1 Gaudencio Tolentino, PO1 Antonio Barreras at PO1 Arman Arojado; pawang miyembro ng PDEA Office sa Central Luzon nakabase.
Dinakip ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest ng Regional Trial Court (RTC) ng San Fernando, Pampanga kaugnay ng pagpaslang kay Han Yin Yang alyas Hanson Lo.
Si Yang ay natagpuang patay sa loob ng kanyang detention cell sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga nitong nakalipas na Marso 16 at sa inisyal na imbestigasyon ay hinihinalang nag-suicide.
Nauna nang ipinag-utos ni PDEA Director Anselmo Avenido ang imbestigasyon sa kaso matapos itong makatanggap ng impormasyon na hindi nagpatiwakal kundi sadyang pinatay si Yang ng mga suspek.
Kaugnay nito, iniimbestigahan naman ng mga opisyal ng AFP at PDEA ang napabalitang tangkang panunuhol ng isang Col. Dioscoro Reyes ng Phil. Army upang palayain si Yang.
Base sa mga nakalap na impormasyon, tinangka umanong suhulan ng P1M ni Reyes si P/Supt. Sonny David, superior ng limang inarestong pulis para pakawalan si Yang subalit hindi ito pinagbigyan. Ang insidente ay naganap bago pa man nadiskubre ang bangkay ng naturang Chinese drug trafficker sa loob ng detention cell nito. (Ulat ni Joy Cantos)