3 patay, 3 kritikal sa vehicular accident

Lupi, Camarines Sur – Kumpirmadong nasawi ang tatlo katao habang tatlo pa ang nasa kritikal na kundisyon matapos na aksidenteng sumalpok sa isang puno ang behikulong sinasakyan ng mga ito sa tabi ng kalsada ng Brgy. Sooc sa bayang ito kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang isa sa tatlong pawang dead on the spot sa insidente na si Sotero Tabalno, driver at kasalukuyan namang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pa nitong kasamahan.

Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa Mother Siton Hospital sa lungsod ng Naga ang tatlong nasugatan.

Batay sa report ng pulisya, dakong alas 4:00 ng madaling araw ng maitala ang sakuna sa kahabaan ng national road kung saan ay pabalik na umano ang mga biktima sa Metro Manila galing sa pagbabakasyon sa Sorsogon.

Ayon sa pulisya, tumaob ang sasakyan ng mga biktima nang sumalpok ito sa malaking punong kahoy sa tabi ng kalsada at pinaniniwalaang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments