Sinabi ni Major General Generoso Senga, regional military commander, unang tinambangan ng mga rebelde ang pampasaherong bus sa bayan ng Carmen, North Cotabato noong Miyerkules na ikinasawi ng apat na pasahero.
Isa sa napatay ay nakilalang si Dionisio Villaver, lokal na opisyal ng distrito; anak nito at dalawang escort.
Isinunod naman ng mga rebelde ang isa pang bus na bumabagtas malapit sa bayan ng Kolambugan, Lanao Del Norte na ikinasawi ng dalawa, samantala, siyam ang nasugatan kahapon.
Hindi pa nakuntento sa pananambang ng dalawang pampasaherong bus ay nilusob naman ang bayan ng Kolambugan saka nilusob ang police detachment sa Sitio Kulasihan, Barangay Malago, Lanao Del Norte.
Hindi pa mabatid kung ilan ang hinostage na sibilyan pero ayon sa source, apat na pulis ang ginawang bihag makaraang atakihin ang police detachment, samantala, pinasabog naman ang tulay na nag-uugnay sa bayan ng Kolambugan para maparalisa ang mga motorista.
Inamin naman ni Eid Kabalu, MILF spokesman na sangkot ang kanyang mga tauhan sa pananabotahe na pinamumunuan ni Abdulrahman Macapaar, alyas Kumander Bravo. (Ulat ni Danilo Garcia)