Partikular na sinentensyahan ng bitay ng mga rebelde sa pamumuno ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, si Gen. Jovito Palparan, commander ng 204th Infantry Battalion ng Phil. Army.
"Ang rebolusyunaryong kilusan ay sinisigurong mapapatawan ng death penalty si Palparan at kanyang mga tauhan dahil sa naturang pangyayari," ani Ka Roger.
Magugunita na ang bangkay nina Elaine Marcellana at Eddie Gumanoy ay natagpuan sa madamong bahagi ng Barangay Tigisan, Bansud, Oriental Mindoro noong Martes ng umaga.
Ayon sa ulat, si Marcellana, secretary general ng grupong Karapatan sa Timog Katagalugan ay binaril sa ulo, samantala, si Gumanoy na chairman ng grupong Kasama-TK ay binaril din sa ulo at dibdib.
Tatlo pang aktibista na sina Francisco Saez, Melvin Jocson na kapwa kasapi ng grupong Anakpawis at Virgilio "King" Caloy, film maker, miyembro ng Anakbayan ay nanatiling nawawala.
Ang mga biktima ay iniulat na dinukot ng mga kasapi ng ALSA MASA noong Lunes ng gabi sa Barangay Maibon, Naujan, Mindoro Oriental habang nagsasagawa nang pagsisiyasat sa pang-aabuso ng mga sundalo ng 204th Infantry Battalion simula pa noong Abril 19, 2003.
Kasunod nito, inatasan na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Justice Secretary Simeon Datumanong na imbestigahan ang naturang kaso.(Ulat nina Benjie Villa at Lilia Tolentino)