Jailbreak: 9 preso tumakas

TAYTAY, Rizal Siyam na preso ang nakatakas matapos kuyugin ang guwardiya habang nagsisilbi ng almusal sa detention cell ng Taytay municipal police station kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang mga pugante na sina Eurico Calderon, Jonathan Claudio, Noel Lopez, Romeo Castillo, Peter Lorenzo, Leandro Serna, Rodolfo Villanueva at Angelito Trinidad; pawang nasa hustong gulang at may mga kasong carnapping, theft at drug pushing.

Mabilis namang isinugod sa pagamutan matapos na magtamo ng malaking sugat sa ulo si SJO1 Antonio Alcoreza.

Ayon kay PO1 Elmer Villacarlos, desk officer ng pulis-Taytay, naganap ang insidente dakong alas-6:15 ng umaga kahapon.

Lumilitaw sa imbestigasyon na binuksan ni Alcoreza ang padlock ng selda ng naturang mga bilanggo upang maghatid ng almusal sa mga preso.

Gayunman, matapos na makapasok sa selda habang inaabutan ng rasyong pagkain ang mga preso ay isa sa mga ito ang bigla na lamang hinampas ng kahoy sa ulo si Alcoreza.

Sinamantala naman ng mga bilanggo ang pagkahilo ni Alcoreza at mabilis nagsitakas sa pamamagitan ng pagdaan sa naturang pintuan.

Napag-alaman pa na dahilan sa nilikhang komosyon ay agad na nagresponde ang iba pang pulis sa nasabing selda, ngunit hindi na inabutan ang mga preso.

Sinibak kahapon sa tungkulin ni P/Chief Insp. Alejandro dela Cruz, administrator ng Rizal-BJMP ang tatlong guwardiya na sina Insp. Manuel Villas, jail warden at ang dalawang tauhan nito na sina SJO1 Antonio Alcoreza at JO1 Ruby Rosaida dahil sa kapabayaan umano sa tungkulin matapos makatakas ang siyam na preso.

Isinuko naman ng kanyang mga kamag-anak ang isa sa tumakas na preso na kinilalang si Hermie dela Peña.

Aminado si Dela Cruz na ang kakulangan sa tauhan sa nasabing piitan ang dahilan sa pagkakatakas ng mga preso kung saan bumuo na ng recovery team na binubuo ng 20 pulis na siyang tutugis sa mga pugante.

Sinabi pa ni Dela Cruz na ang nasabing mga jailguard ay sasampahan na ng kasong administratibo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments