Ina dinedo ng 'baliw' na anak

RIZAL, Nueva Ecija - Isang 67-anyos na ina ang iniulat na nasawi makaraang saksakin hanggang sa mapatay ng baliw na anak sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Betis, Barangay Sta. Monica sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nakahingi pa ng tulong sa magkapatid na kapitbahay ay nakilalang si Priscilla D. Bao, samantala, agad namang nalambat ang suspek na si Eduardo "Junior" Bao, 28 na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa pagsisiyasat ni PO2 Apolinario Tolentino, nadiskubre ang umaatungal at ang naghihingalong biktima bandang alas-11 ng gabi sa gilid ng kanyang bahay.

Ayon pa sa ulat, nakarinig ng sigaw ang magkapatid na Rogelio at Dario Damanse, kapitbahay ng pamilya Bao kaya agad nilang tinungo ang pinagmulan ng saklolo.

Bumulaga sa magkapatid ang duguang biktima habang namataan naman ang baliw na anak na tumatakbong papalayo sa lugar ng krimen.

Agad namang ipinagbigay-alam sa pulisya at sa ilang opisyal ng barangay ang pangyayari kaya mabilis na nadakip ang suspek. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments