Ang dalawang pulis na napatay ay nakilalang sina PO2 Joel Dela Cruz at PO3 Eduardo Fernandez na kapwa miyembro ng Pangasinan Police Provincial Office, samantala, ang trike driver na hinoldap at pinatay ay nakilala namang si Edwin Ignacio.
Samantala, sugatan sina P/Sr. Insp. Jonathan Calixto, PO3 Harold Dalmacio at PO2 Val Pablo na pawang PNP Special Action Force (SAF) ng nasabing bayan.
Inaalam pa ng pulisya ang pangalan ng apat na holdaper na napatay sa barilan.
Sa ulat na isinumite ni P/Chief Supt. Arturo Lomibao, PNP Regional director, bandang alas-10:30 ng gabi nang holdapin ng apat si Ignacio saka binaril at napatay habang nagtatraysikel sa kahabaan ng Barangay Sapinit, San Carlos City.
Namataan ng mga pulis ang apat na tumangay ng trike ni Ignacio kaya dito na nagsimula ang habulan hanggang abandonahin ng mga holdaper ang trike.
Nakatiyempo namang agawin ang Mitsubishi Adventure ni Mary Ruth Magalong sa Barangay Balite Sur pero nakalundag ang babae hanggang sa iwanan ang sasakyan ng mga holdaper at muling mang-agaw ng kotse na pag-aari ni Benilda Valerio sa Urbiztondo saka tinangayan pa ng P25,000 ang biktima.
Ayon naman kay P/Sr. Supt. Arturo Cacdac, Pangasinan police director, naipit ang mga holdaper sa trapik sa bayan ng Aguilar kaya inabutan ng mga pulis hanggang sa magsimula ang shootout.
Agad namang nagkuta ang mga holdaper sa bakanteng bahay na pag-aari ni Fernando Gardo pero natunugan ng pulisya kaya pinasusuko pero nagpaulan ng sunud-sunod na putok na ikinasawi ng dalawang pulis.
Gumanti naman ang mga alagad ng batas hanggang sa mapatay ang apat na holdaper bago narekober ang M-16 assault rifle, baby armalite, carbine, kalibre. 45 baril, 9mm, ibat ibang bala at mga cellphone.(Ulat nina Cesar Ramirez at Danilo Garcia)