20 MILF rebs nilagas ng AFP

CAGAYAN DE ORO CITY – Dalawampung rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at isang kawal ng pamahalaan ang iniulat na napatay sa naganap na limang oras na sagupaan sa liblib na lugar na sakop ng Barangay Inoma, Calanugas, Lanao del Sur noong Miyerkules ng umaga, Abril 2, 2003.

Nabatid sa ulat ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, sampu pang rebelde na malubhang nasugatan sa bakbakan ay nasawi at inilibing na ng kanilang kamag-anak noong Biyernes.

Sa ginawang pahayag ni Major Francis Balabat, commander ng 67th Infantry Battalion, nagsimula ang bagbakan makaraang lusubin ng mga rebeldeng MILF ang kampo ng Bravo Company ng 67th IB sa nabanggit na barangay bandang alas-5 ng umaga.

Ayon pa kay Balabat, ang bakbakan ay pinamunuan ni Commander Saydamin ng 305th Brigade sa ilalim ng 5th Division ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).

May mga nakaabang pang rebelde mula sa iba’t ibang bayan sa Lanao del Sur at Lanao del Norte na naghihintay lamang ng tiyempo na umatake sa naturang kampo.

Nagmatigas namang hindi umatras ang mga rebelde dahil ayaw nilang iwanan ang mga napatay na kabaro, ngunit umaabante na ang tropa ng militar kaya napilitang magsitakas ang mga Moro rebel.

Matapos ang madugong bakbakan ay narekober ng militar ang limang M16 at tatlong garand rifles at hindi mabilang na bala.

Bandang alas-10 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Private First Class Jess Tupa, samantala, walo pang iba ang nasugatan at isinugod naman sa Camp Evangelista Station Hospital sa Cagayan de Oro City.

Kasunod nito, nagsisuko naman sina Mama Landoc, Abusakir Amin Iman, Jomar Maruhom, Manobra Yahyah at Amirona Alando na pawang MILF commnader at 130 rebelde. (Ulat ni Bong D. Fabe)

Show comments