Misis pinatay bago sinunog ng lover

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Isang 53-anyos na misis ang kumpirmadong pinatay sa saksak bago sinunog ng kanyang live-in partner sa loob ng tinitirhan nilang kubo sa Barangay Molino 3, Bacoor, Cavite kahapon ng madaling-araw.

Ang biktimang nasunog ang buong katawan ay nakilalang si Polly Gabonado, samantala, ang suspek na agad namang inaresto ay nakilalang si Alfredo Velardo, 51, kapwa residente ng Magdiwang Subdivision ng nabanggit na barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Rodolfo Arboleda, naitala ang krimen dakong alas-4 ng madaling-araw makaraang mairita ang suspek sa hindi pagpapahiram ng kuwintas ng biktima.

Narinig naman ng isang kasapi ng Bantay-bayan na si Leonardo Parra ang sigaw na saklolo ng biktima kaya tinungo nito ang kinaroroonan ng dalawa.

Hanggang sa makitang nagliliyab ang katawan ng biktima habang ang suspek naman ay aktong tatakas, ngunit sa tulong ng ilang residente ay agad na nadakip. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments