Sa ulat ni P/Sr. Supt. Mario Subagan, PNP Director sa lalawigan, ang mga nasawi ay sina Gng. Evelyn Rafanan, 48, asawa ni dating Board member Efren Rafanan; nakababatang kapatid na si Dennis Rafanan, security aide na si Elgin de Ocampo at isa pang di nakilala.
Ang mga biktima ay agad na namatay sa insidente sa dami ng tama ng balang tinamo sa ibat ibang bahagi ng katawan mula sa M16 at M14 rifles na ginamit ng mga salarin na agad ding nagsitakas.
Sugatan naman sa pananambang si Efren Rambo Rafanan, dating bokal at isang radio commentator sa DZXE radio dito at ang mga anak nitong sina Renelyn, 18 at Raffy Bryan, 15-anyos.
Base sa inisyal na imbestigasyon, kagagaling lamang ng pamilya Rafanan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Manila matapos sunduin si Evelyn, isang Overseas Contract Worker (OCW) kung saan ay pansamantalang dumaan ang mga ito sa istasyon ng DZXE para sa pang-umagang radio broadcast ni Efren nang maganap ang ambush dakong alas 5:45 ng madaling araw sa nasabing lugar.
Pinaniniwalaan namang ang walang puknat na pagbatikos ni Rafanan sa mga katiwalian sa Ilocos Sur sa kanyang programa sa radio ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Iniulat naman ng ABS-CBN TV Patrol na si dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson ang pinaniniwalaan ng pamilya ng biktima na mastermind sa krimen. (Ulat ni Myds Supnad)