Inoobserbahan sa Masbate College Hospital ang biktimang si Enrico Legazpi, binata, anak ni Masbate Vice Governor Edgar Legazpi at residente ng Barangay Malinta, Masbate City.
Samantala, nadakip naman ang suspek na si John Mark Vicio, binata, Sangguniang Kabataan Federation president ng Mobo, Masbate at kasapi ng konseho sa bayan ng Mobo.
Naitala ng pulisya ang pangyayari bandang alas-11 ng gabi sa loob ng Punong Bar and Grill restaurant matapos na magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek sa hindi nabatid na isyu.
Napag-alaman pa na kapwa lango sa alak ang dalawa nang magtalo hanggang sa humantong sa pamamaril ng suspek. (Ulat ni Ed Casulla)