Kinilala ang mga nasawing pulis-Bulacan na sina P/Chief Insp. Esperedito Delgado, PO3 Elpidio Reyes, PO1 Edwin Cruz, PO1 Benjie Hernandez, PO1 Israel Fajardo at ang dalawang sundalo na nakilala lamang sa pangalang Pfc. Andres at Pfc. Basilio.
Samantala, dalawa sa labimpitong rebelde na napatay ay nakilalang sina Arnel San Jose at Norber Ortega, tubong Palawan habang ang 15 ay bineberipika pa ang pagkikilanlan at ang anim pa ay binitbit ng kanilang kasamahang nagsitakas.
Nasugatan naman sa bakbakan sina P/Supt. Fernando Villanueva, P/Insp. Lauro Apostol, P/Insp. Rodolfo Solomon, PO1 Eduardo Sulian, PO1 Aguilo Juan, PO1 Danny Topang, Army Capt. Mario Marron ng 56th Infantry Battalion, 7th Infantry Division ng Philippine Army.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya, may impormasyong nakalap ang PNP at AFP na may mga hindi kilalang armadong kalalakihan ang nagtitipon sa naturang lugar kaya agad nilang tinungo.
Bandang alas-5:30 ng umaga nang sumiklab ang bakbakan sa Barangay Pulong Yantok, Angat, Bulacan makaraang salubungin ng sunud-sunod na putok ang mga awtoridad na sumalakay sa nabanggit na lugar hanggang sa malagasan ang magkabilang panig bago nagsiatras ang mga rebelde patungo sa kagubatan ng Siling Matanda, Pandi, Bulacan. (Ulat nina Efren Alcantara at Danilo Garcia)