Sinabi ni Major Julieto Ando, tagapagsalita ng Armys 6th Infantry Division, kasalukuyang tinutugis ng tropa ng 301st Infantry Brigade ng Philippine Army ang grupo ni Tahir Alonto na tumakas patungo sa Maguindanao tangay ang dinukot na batang si Jasper Jublador.
Si Jasper ay anak ng agricultural trader na naunang hinihingian ng protection money, ngunit hindi nagbigay kaya gumanti sa pamamagitan ng pagkidnap sa bata.
Ayon pa kay Ando, bago maganap ang pangyayari ay nagpanggap na mga magsasaka ang ilang kasapi ng Pentagon saka lumapit sa ama ng biktima para manghingi ng protection money.
Hindi naman pumayag ang ama ng biktima hanggang sa mauwi sa barilan at binalingang kidnapin ang bata saka tumakas patungo sa ikalawang distrito ng Maguindanao.
Napag-alaman sa source ng militar na kumpirmadong si Alonto na may patong na P5-milyon sa ulo ang responsable sa pagdukot sa bata at namataang nakikipagpulong sa ilang opisyal ng MILF sa hangganan ng Pagalungan, Maguindanao at Pikit, North Cotabato noong nakalipas na buwan bago isagawa ang pangyayari. (Ulat ni John Unson)