Sinabi ni Dr. George Martinez ng nabanggit na ospital na pansamantalang hindi ibinunyag ang pangalan ng biktima habang hindi pa natatapos ang isinasagawang pagsusuri.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Dr. Aristotle Nalo sa sinapit ng biktima, ngunit nilinaw niya na ang kaso ay hinala lang pero ang lahat ng sintomas ng SARS ay presensya sa katawan ng bata.
Nanawagan naman si Dr. Consortia Quizon, hepe ng Epidiomology department ng central office ng DOH sa mga mamamahayag na tulungan ang kanyang departamento para sa monitoring ng mga kaso ng SARS na isang uri ng killer pneumonia na kasalukuyan pang walang gamot.
Napag-alaman naman sa pamilya ng biktima na residente ng Barangay Kalingkuan, Tarlac City, hindi naman nag-abroad ang bata.
Ngunit bago pa dapuan ng killer flu ang biktima ay naligo pa ito kasama ang mga magulang sa swimming pool resort sa Capas, Tarlac at isang linggo lang ang nakalipas ay nilagnat na ito kaya isinugod sa naturang ospital.
"Normally, ang kasong pneumonia sa katulad ng edad ng bata ay lumalala kapag hindi nalapatan ng lunas sa loob ng dalawang linggo pero sa kaso ng biktima dahil pitong araw lang ang nakalipas ay namatay na kaagad," pahayag pa ni Dr. Nalo.
Noong nakaraang Sarado, ang World Health Organization (WHO) ay nagpalabas ng travel advisory makaraang kumalat ang new viral ailment partikular na sa China na ikinasawi ng 300-katao.
Samantala, natukoy na ng mga dalubhasa na mula sa Germany at Singapore ang pinagmumulan ng killer flu na tinawag na Paramyxo virus na nanggaling din sa sakit na tigdas at beke. (Ulat nina Ding Cervantes at Jhay Mejias)