Misis bungangera, mister nag-suicide

SARIAYA, Quezon – Pinaniniwalaang matinding pagkairita at hindi na makayanan sa pagiging bungangera ng kanyang misis ang naging ugat para mag-suicide ang isang mister sa loob ng kuwarto ng dalawang pamangkin sa Barangay Balubad sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagbaril sa noo ay nakilalang si Teofisto Masilang, 57 at residente ng nabanggit na barangay.

Napag-alaman pa sa mga kapitbahay ng mag-asawa na malimit mag-away ang dalawa sa hindi nabatid na dahilan at marahil ay hindi na nakayanan pa ng mister.

Sa ulat na nakarating kahapon kay P/Sr. Supt. Ricardo Padilla, Quezon provincial police director, bago pa mag-suicide ang biktima ay nagkaroon na ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa sa hindi nabatid na dahilan.

Dahil sa mahal ng biktima ay hindi nito mapagbuhatan ng kamay kaya pansamantalang umalis at nakitulog sa bahay ng dalawang pamangking sina Ronald at Maricris Tan.

Nakalipas ang ilang minuto habang nasa loob ng kuwarto ang biktima ay umalingawngaw ang malakas na putok ng baril bandang alas-9:15 ng gabi at nang puntahan ng dalawang pamangkin ay nakabulagta na ang biktima sa kama.

May palagay ang pulisya na hindi na makayanan ang matinding paghihirap na sinapit nito sa kanyang misis na bungangera. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments