Ito ang nabulgar kahapon sa isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa sinunog na San Luis National High School sa Barangay San Luis, Caraga, Davao Oriental noong Miyerkules Marso 12, 2003 na ang may pakana ay pawang mga rebeldeng NPA.
Base sa ulat, tumanggi umano ang mga guro na magbigay ng P300 hanggang P500 revolutionary tax kada buwan sa mga NPA kaya sinunog ang kanilang paaralan na naging dahilan para maabo ang P2-milyong ari-arian.
Ang panununog ng naturang eskuwelahan ay lumikha rin ng pagkaparalisa ng klase dahil sa napilitang magsiuwi ang mga estudyante.
Napag-alaman pa na walang makuhang pondo ang makakaliwang kilusan sa ibayong dagat na sumusuporta sa kanilang grupo dahil sa pagkakadeklara ng European Union at US na ang NPA ay kabilang sa Foreign Terrorist Organization (FTO) sa buong mundo kaya lahat ng pondo ay hinaharang at hindi na nakaabot sa kanila.
Tiniyak naman ni Lt. Col. Michael Manquiquis, hepe ng AFP-Public Information Office (PIO) na hindi magpapabaya ang militar sa kanilang tungkulin na protektahan ang mga sibilyan laban sa mga rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)