Inaprobahan ng Sanguniang Panlungsod ang curfew na pinanukala ni Councilor Roman Cabral Jr. noong Pebrero 28, 2003 para sa 18-anyos pababa ang edad na kabataan.
Sinuportahan naman ng Association of Barangay Captains (ABC) president Amado Santos at Sangguniang Kabataan (SK) ang ordinansang ipatutupad.
Sa ipinalabas na ordinansa, magsisimula ang curfew bandang alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw.
Kabilang sa ipinagbabawal na pasyalan kapag sumapit na ang itinakdang oras ng curfew ay ang commercial establishments, recreation centers katulad ng malls at sa mga kalsada.
Binigyan din ng kapangyarihan ang lahat ng barangay opisyal kabilang na ang mga barangay tanod na ipatupad at arestuhin ang sinumang lalabag sa naturang ordinansa.
Hindi naman sakop ang ipatutupad na curfew sa mga menor-de-edad kapag kasama ang kanilang magulang o kaya guardian na may sapat na gulang.
Hindi rin sakop ang mga menor-de-edad na nagkaroon ng emergencies katulad nang pagbili ng mga gamot, paggamit ng telepono para sa panahon ng kagipitan at mga estudyante na may klase sa gabi.
Sinumang lalabag sa ordinansa ay papatawan ng kaukulang kaparusahan katulad ng pagkakulong ng isa hanggang sampung araw o kaya pagbabayad ng P2,000 kapag ikatlong paglabag. (Ulat ni Ric Sapnu)