Barangay Captain na supplier ng armas ng NPA, 2 pa nasakote

Rodriguez, Rizal Bumagsak sa magkakasanib na elemento ng militar at pulisya ang isang Brgy. Captain, anak at kapatid nito na itinuturong supplier ng armas ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isinagawang raid sa bulubunduking bahagi ng Sitio Odiongan, Brgy. Macabud sa bayang ito kamakalawa.

Kinilala ng mga opisyal ang mga nasakoteng suspek na sina Claudio Lastimada, 50 anyos, bagong luklok na Brgy. Captain ng naturang barangay; kapatid nitong si Felix Lastimada, 38 at anak na si Gilbert Lastimada, 26; pawang residente sa lugar.

Sinabi nina Police Provincial Office (PRO) 4 Director P/ Chief Supt. Enrique Galang at P/Sr. Supt. Carlito Dimaano, Director ng Rizal PPO na ang mga suspect ay nalambat matapos ang masusing surveillance operations hinggil sa tiwali ng mga itong aktibidades.

Ayon naman kay Col. Efren Orbon ng Army’s 202nd Brigade ang mga suspek ang siyang hinihinalang nagsu-supply ng armas sa grupo ng Narciso Antaso Aramil Command, ang grupo ng mga rebelde na nagkukuta sa lalawigan ng Rizal at iba pang mga karatig lalawigan.

Nasamsam mula sa mga suspek ang mga armas na kinabibilangan ng isang AK 47 rifle, isang M 14 rifle, isang caliber 30 rifle, shotgun at .38 caliber revolver at sari-saring mga bala. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments