Davao blast gawa ng suicide bomber

Pinaniniwalaang suicide bomber ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang responsable sa naganap na pagsabog sa labas ng Davao City International Airport na ikinasawi ng dalawampu’t-isa katao noong Martes ng hapon, Marso 4, 2003.

Ito ang inisyal na lumalabas sa isinasagawang imbestigasyon ng pinagsanib na militar at pulisya makaraang madiskubre na isa sa mga nasawi ay nakilalang si Muntazer Sudang, 23-anyos, miyembro ng MILF rebels at residente ng Kabacan sa gitnang timog ng Mindanao.

Sinabi ni Defense spokesman Lt. Col. Danilo Servando, si Sudang ang namataan ng ilang bystander na nakatayo sa waiting lounge sa labas ng nabanggit na paliparan.

Aniya, nasa likurang bahagi ng katawan ang backpack, ngunit sa hindi malamang dahilan ay biglang sumabog.

Hindi naman kaagad nabatid ng militar kung ang backpack ay planong iwanan ni Sudang o kaya naman ay nakahandang mamatay bilang suicide bomber ng MILF rebels.

Nabatid pa sa ulat ng militar na matapos na sumabog ang naturang lugar ay kaagad na nagsagawa ang operation na nagresulta sa pagkakadakip ng 20-katao at lima dito ay pinaniniwalaang may koneksyon sa pambobomba.

Sa nakalap na dokumento ng militar, si Sudang na sumapi sa mga rebelde simula pa noong 16-anyos ay mula sa Davao-area MILF unit na pinamumunuan ni Jibran Ali bin Davao.

Show comments